Wed, 21 Apr 2021

Mahigit 5,000 Sinovac na bakuna darating sa Cagayan Valley

Philippine Information Agency
03 Mar 2021, 16:38 GMT+10

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, March 2 (PIA) -- Puspusan na ang paghahanda ng Department of Health (DOH) at mga ospital na unang makakatanggap ng bakuna laban sa COVID-19 dito sa Lambak Cagayan.

Ayon kay DOH Regional Director Dr. Rio L. Magpantay, nasa 5,312 doses ng Sinovac CoronaVac vaccine ang inaasahang darating sa araw ng Linggo.

Kung darating ito sa takdang araw ay sisimulan sa Lunes ang pagbabakuna sa mga healthcare worker na kabilang sa priority one.

"Ang gagamitin na lang muna natin ay yung Sinovac na talaga namang, initially, iyon ang gagamitin natin dito sa Lambak Cagayan. Kaya lang, medyo nabawasan nang konti dahil yung isang brand ay hindi pa dumarating sa atin, so nag-prioritize muna tayo ng lima hanggang anim na mga ospital," pahayag ni Magpantay.

Kabilang sa unang mabibigyan ng bakuna ay ang Cagayan Valley Medical Center, Southern Isabela Medical Center, Region 2 Trauma and Medical Center sa Nueva Vizcaya, Batanes General Hospital, Tuguegarao City General Hospital at ang ospital ng mga pulis sa rehiyon.

Paliwanag ng direktor, ito ang mga ospital na tumatanggap ng mga pasyenteng positibo sa COVID-19 na may severe o malubha at kritikal na kundisyon, at may mga history din ng mataas na transmission rate.

Pagdating ng mga bakuna ay ididiretso ang mga ito sa cold storage facility ng DOH Regional Office at saka naman dadalhin sa mga ospital na nabanggit.

"Tungkol sa efficacy ng ating vaccine, if ever man na magkaroon tayo uli ng pagkakahawa ay very mild lang po ang ating mararamdaman," paliwanang ng direktor.

Gayunman, bagamat unti-unti nang bumababa ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa Rehiyon Dos ay hindi pa rin dapat magpaka-kampante ang mga mamamayan.

Nilinaw rin ng DOH na kahit may bakuna na ay obligado pa rin ang lahat na sundin ang mga health protocol tulad ng pagsusuot ng facemask at face shields, at pasasagawa ng social distancing. (JCK/OTB/PIA 2-Cagayan)

More Brazil News

Access More

Sign up for Rio de Janeiro News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!